Oras mo Na

Tick. Tick. Tick.

Tahimik na ang aming bahay at ang tanging tunog na naririnig ko lang ay ang mahinang tiktak ng aming lumang orasan at ang tunog ng aking paghinga. Malalim na ang gabi at nandito pa rin ako sa aming salas, tinatapos ang proyektong ipapasa ko bukas. Napahikab ako sa antok habang nagdidikit ng mga pandisenyo sa pabalat ng aking proyekto at halos hindi ko na maiangat ang namimigat ko nang mga talukap. Tiningnan ko ang aming orasan at nakitang alas dose na pala ng madaling araw. Idinikit ko ang huling disenyo sa kalalagyan nito at nagdesisyong matutulog muna ng sampung minuto bago itutuloy ang proyekto. Itinabi ko muna ang gunting, pandikit at ang mga pandisenyong nagkalat sa sahig at pagkatapos ay napahikab ulit na humiga sa malapad na sofa at ilang saglit pa’y natutulog na ako, ngunit pagkatapos ng mahabang oras ng pagkakahimbing ay napamulat ako at napatingin sa paligid.

Laking gulat ko na lang nang mapagtanto kong ako’y nasa isang maputing kwarto. Ang ilaw ay napakaliwanag at nang salatin ko ang aking sarili’y may mga dextrose na nakatali sa aking mga braso at may benda na ako sa ulo. Ano ang ginagawa ko dito sa ospital na ito?

Napabalikwas ako ng bangon at sa iglap na iyon ay para bang nahiwalay ang kaluluwa ko sa aking katawang lupa. Ngunit napamaang na lang ako nang nakito kung sino ang nakahiga sa kama. AKO. Ako ang nasa kama. Nanginginig sa takot na tinakbo ko ang kinaroroonan ng pinto ngunit ayaw nitong mabuksan. Pinagbabayo ko na ang pinto’t humingi na ng saklolo habang bumibilis ang tibok ng aking puso ngunit tila yata walang nakikinig sa akin nang biglang tumindig ang aking mga balahibo at may narinig akong tinig sa aking likuran. Oras mo na…. Oras mo na… sabi nito sa namamaos na tinig. Napalingon at napasigaw ako sa matinis kong tinig ngunit bigla na lamang nawala ang nakakatakot na tinig. Kasabay ng pagkawala nito ay ang biglang paghingalo ng katawan sa kama at nagulat na lang ako nang may pumasok na doktor at mga nars at nagmamadaling isinalba ang buhay ng nasa kama.

Ngunit nahuli na sila ng dating. Patay na ang katawan. Lumabas ang doktor at nakita ko na lamang ang ina at ama kong lumuluha. “Ma! Buhay pa ako! Hindi po ako namatay! Hindi ako ang nakahiga sa kama!” gustuhin ko mang sabihin iyon ay walang lumalabas na tinig. Napaluha din ako. Napaluha ako, hanggang sa iniwan na ng mga magulang ko ang katawan sa kama at naiwan na lang akong kasama ang katawan na ngayo’y bangkay na at walang anu-ano’y napaidlip ulit.

Sa pangalawang pagkakataong iminulat ko ulit ang aking mata ay natuklasan kong wala na ako sa ospital kundi nandito sa isang burol sa makulimlim na gabi at nasaksihan ko ang paglibing ng kung sino man. Ang mga nagsipagdalo ay pawang nakaputi at ang mga tao sa harapan ay walang pakundangang umiyak. Lumapit ako sa kinaroroonan ng mga tao nang nakilala ko sila. Mga kamag-anak ko sila! At ang nasa harapan ay… mga magulang ko!

Sino!? Sino ang iniiyakan nila? Lumapit ako sa kabaong at laking gulat ko na lamang nang makita ko ang aking sarili. Imposible! Nangangahulugan bang totoo iyong napanaginipan ko? Napalingon ako sa aking likuran at lubhang natakot nang ang mga taong kanina’y nagluluksa ay biglang naging mga kalansay at sa isang tabi’y nakita ko ang isang babaeng nakabelo lumapit siya sa akin at nagsabing, “Oras mo na… Oras mo na…” at kasabay nun ay ang pagtili ko sa takot.

Nagising uli ako sa ikatlong pagkakataon at may namumuong pawis na sa aking leeg at noo. Patay na ba ako? Tiningnan ko ang aking paligid at sinalat ang sarili at doon ko lang nalamang nandito na uli ako sa aming salas. Tahimik pa rin at walang ibang naririnig kundi ang mahinang tunog ng tiktak ng lumang orasan. Bumangon ako at tiningnan ang oras at nakitang ala-una na ng madaling araw. Bumalik na ako sa paggawa ng proyekto at kahit nanginginig pa rin sa takot ay ngumiti ako ng napakahigpit at nangakong hindi na muling gagawa ng proyektong mag-isa sa kalaliman ng gabi dahil siguradong sa kasulok-sulukan ng salas ay may lalabas na nakabelong babae at magsasabing…

“Oras mo na….”.

Whatcha Say?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s